LIMAY, Bataan (Eagle News) – Inabandona ng apat na mangingisda ang kanilang bangkang sinasakyan matapos makipaghabulan sa Philippine National Polcie-Maritime Bataan sa karagatang sakop ng Barangay Lamao, Limay, Bataan. Ito ay matapos maaktuhan ang apat na mangingisda na maghahagis sana ng dinamita sa karagatan noong Huwebes, Hulyo 27.
Narekober ng PNP Maritime sa loob ng inabandonang bangka ang sampung bote ng dinamita, isang set ng kompresor at nasa 200 metro na hose.
Kinilala ni PSInps. Joseph Pabro, Station Chief ng Bataan PNP Maritime, ang dalawang mangingisda na sina Roberto Casilihan at Paquito Gumban. Samantalang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang mangingisda na pawang residente ng Barangay Lamao ng nasabing bayan.
Sasampahan pa rin ng kasong paglabag sa Section 92 ng RA 10654 o Fishing through Explosives, Poisonous Substance ang mga suspek sa kabila nang pagkakatakas ng mga ito. Nasa at-large status na ang apat na mangingisda.
Ang pinaigting na kampanya ng PNP Maritime Bataan sa lahat ng iligal na aktibidad sa karagatan ay bahagi ng pagtugon sa ipinalabas na memorandum ni PCSupt. Marcelo C. Morales, Maritime Director. Ito ay ang “One time, Big time” at ng joint program ng Smart Communication at PNP Maritime Group na “Operation DALOY send to 3456.” Kasama rin ang mga mamamayan sa pagbibigay ng tamang impormasyon.
Larry Biscocho – Eagle News Correspondent, Bataan