Aquino, nakabalik na ng bansa matapos ang US-ASEAN summit

File photo. Courtesy Malacanang Photo Bureau

 

By Jerold Tagbo
Eagle News Service

IPINAGMALAKI  ni Pangulong Aquino na mas dumami na ngayon ang nananawagan ng pagpapairal ng kapayapaan at instabilidad sa West Philippine Sea.

Sa kanyang arrival speech matapos ang working visit sa Amerika, sinabi ni Aquino na malinaw ang mensahe ng US-ASEAN summit sa inilabas nitong joint statement na dapat ipatupad ang seguridad nang naaayon sa pamantayan ng  batas.

“Sa usapin ng maritime concerns ay naging malinaw ang suporta ng ating mga nakapanayam.  Kung dati nga po ay iilan lang ang nagbabanggit ng isyung ito, ngayon, maliwanag sa inilabas na joint statement ng kapulungan ang paninindigan ng ASEAN at ng Estados Unidos:  Dapat panatilihin ang seguridad, estabilidad, at kalayaang maglakbay sa West Philippine Sea at South China Sea at dapat idaan sa mapayapang proseso ang pagresolba ng anumang alitan, alinsunod sa international law,” ayon sa Pangulo.

Una nang inihayag ng Estados Unidos, European Union at maging ng Australia at New Zealand na dapat itigil ng Tsina ang anumang aktibidad nito na magpapalala lamang ng tensyon.

Kasunod ito ng napabalitang pagdedeploy ng Tsina ng surface-to-air missile sa Woody island na isa sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea.

Subalit giit ng Tsina na dapat maingat ang US sa pagbibigay ng pahayag nito at inakusahan pa ang Amerika na siyang nagpapalala ng usapin.  (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.