Batay sa kanilang 36 pages Affidavit Complaint, si Aquino ay kinakasuhan ng Criminal Negligence dahil sa kanyang naging partisipasyon sa pagpaplano ng operasyong “Oplan Exodus” at pagbibigay awtoridad aniya kay Purisima na manguna at makialam sa operasyon kahit na noon ay suspendido ito dahil sa kinakaharap na kaso. Si Purisima ay kinakasuhan ng Usurpation of Authority dahil aniya sa kanyang illegal na partisipasyon sa operasyon sa kabila ng kinakaharap niyang suspensyon bilang Hepe ng PNP. Si Napeñas naman ay kinasuhan dahil aniya sa pagsunod niya sa suspendidong hepe ng PNP, at hindi maayos na pagpaplano ng “Oplan Exodus”.
Matatandaan na noong ika -25 ng Enero 2015, inilunsad ng PNP-Special Action Forces (SAF) ang “Oplan Exodus”. Nilalayon nito na madakip ang dalawang (2) kilalang terorista na sina Zulkifli Bin Hir, alias “Marwan” at Ahmad Akmad Batabol, alias “Basit Usman”. Bagamat napatay sa nasabing operasyon ang teroristang si “Marwan”, napatay naman ang 44 na miyembro ng PNP-SAF.
Ayon sa reklamong inihain ng VACC, ang pagkamatay ng 44 elite forces ng PNP ay bunga ng kawalang paghahanda at hindi maayos na pagpaplano sa panig ng mga awtoridad.