DAVAO City (Eagle News) — Sa kabila ng masungit na panahon noong Lunes, July 25 matiyang inabangan ng mga Dabawenyo ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng bansa na si Rodrigo Roa Duterte sa Davao City. Nagmistulang holiday ang siyudad ng Davao dahil marami ang naghintay at kinasabikang mapakinggang muli ang mga payahayag pangulo.
Ilang araw bago ang SONA, kapansin-pansin ang lalong pagdami ng mga tao na pumupunta ng Davao lalo na ngayong nalalapit na rin ang Kadayawan Festival na kung saan ito ay gaganapin sa buwan ng Agosto. Hindi pa rin mapigil ang pagbili ng durian ng mga tao kahit tumaas na ang presyo nito. Dumarami din ang nagbebenta ng Duterte t-shirt at Davao t-shirt. May nagbebenta din ng mga Duterte plates at iba pang mga memorabilia.
Pinaghandaan na rin ng Davao Tourism at City Government ng Davao ang paparating na Kadayawan Festival. Halos fully booked na rin ang mga hotels at resorts sa Davao ngayon pa lamang dahil marami ang nais na makita at masaksihan ang mga aktibidad ng siyudad na laging ipinagmamalaki ni Pangulong Duterte.
Ayon sa mga Dabawenyos, masaya sila hindi lang para sa Davao, kundi para na rin sa buong bansa. Ayon sa kanila, dapat sundin ng ibang lalawigan ang mga patakaran ni Duterte upang tamasahin din ang kaunlaran at kapayapaan ng katulad ng Davao City. Labis aniya nilang ipinagmamalaki at hindi mabilang ang kanilang kasiyahan dahil tubong Davao ang kasalukuyang nakaupong Pangulo.
Courtesy: Saylan Wens at Haydee Jipolan – Davao Correspondent