Army detachment, planong itayo ng WestMinCom sa Zamboanga City

ZAMBOANGA City — Isang army detachment ang planong itayo ng Western Mindanao Command o (WESMINCOM) sa Zamboanga City.

Ito ay upang matiyak na hindi na mauulit ang nangyaring madugong engkwentro sa pagitan ng militar at Moro National Liberation Front o (MNLF) sa lungsod na pumatay at sumira ng mga kabuhayan nitong nakalipas na dalawang taon at anim na buwan.

Sa isang groundbreaking ceremony na isinagawa kanina sa coastal barangay ng Rio Hondo, pinuri ni Retired Navy General Jesus Millan, na nagsilbing panauhin, ang liderato ng Armed Forces Western Mindanao Command at Naval Forces Western Mindanao dahil sa kanilang layuning matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa sentro ng lungsod.

Labis naman ang pasasalamat ni WESMINCOM commander Lt. General Mayolga dela Cruz sa pagbili ng gobyerno sa lupa para sa itatayong karagdagang detachment.

Isa ang barangay Rio Hondo na tinarget umano ng mga rebelding MNLF Misuari Faction upang makapasok sa sentro ng lungsod at maglunsad ng pag-atake.

Aminado pa rin ang WESMINCOM na nakapalibot man sa karagatan papasok sa Zamboanga City ang kanilang puwersa kasama ang kapulisan, kailangan pa rin aniya ang suporta mula sa komunidad upang tuluyang matuldukan ang banta ng ibat-ibang masasamang elemento sa loob ng lungsod.