By Aily Millo
Eagle News Service
MANILA, Philippines (Eagle News) — Hinihintay pa ng Quezon City Police District (QCPD) ang arrest warrant na ilalabas ng korte laban sa road rage suspect na si Fredison Ong Atienza.
Nitong Biyernes, Marso 3 nang maghain ang QCPD ng kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Atienza.
Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, sinampahan na nila ng kasong murder si Atienza sa piskalya at hinihintay na lamang ang arrest warrant para maging legal ang pag aresto sa suspek.
Hindi aniya maaaring arestuhin si Atienza hangga’t walang arrest warrant dahil natapos na ang itinakdang araw para sa manhunt operation laban sa suspek.
Monitoring na lamang muna laban sa suspek ang maaaring gawin ng pulisya habang wala pa ang arrest warrant.
Sa huling monitoring ng QCPD kay Atienza, mula sa Boracay ay nakabalik na sa Metro Manila ang suspek.
Pero blangko na ang mga otoridad kung saang lugar nagtatago ngayon ang suspek.
Sinabi rin ni Eleazar na sapat ang ebidensya laban sa suspek at mayroong matatag na witness na makapagtutulak sa korte para maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya.
Pebrero 25 nang magkagitgitan sa kalsada si Atienza at ang rider na si anthony mendoza sa kanto ng D. Tuazon Street at Quezon Avenue sa Quezon City.
Binaril ni Atienza si Mendoza na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Lulan noon si Atienza ng puting Land Cruiser at ang nasabing sasakyan ay naiturn over na sa Criminal Investigation And Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal.