By Aily Millo
Eagle News Service
QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Bukas na para sa publiko ang kauna-unahang art exhibit ng Eagle Broadcasting Corporation Arts Center bilang bahagi ng seleberasyon sa Golden Anniversary ng EBC.
Iba’t ibang obra ang tampok sa EBC Arts Center
Tampok dito ang iba’t-ibang mga obra, hindi lamang ng mga professional artist kundi pati na rin ang obra ng mga estudyante.
Oil painting, screw art at hardboard art, ilan lamang ito sa mga obra na maaaring makita sa art exhibit sa EBC-Arts Center.
Castro brothers, ipinamalas ang kanilang works of art
Ibinahagi naman ng mga magkakapatid na Ogie, Boy at Hermie Castro ang kanilang mga naging inspirasyon sa paglikha ng sining at kung papaano sila nagsimula.
Ayon sa Castro brothers, minana nila sa kanilang mga magulang ang pagkahilig sa sining.
Pero anila, ang kanilang talent ay biyayang bigay sa kanila ng Panginoong Diyos.
Ang ilan sa obra ng Castro brothers na maaaring makita sa EBC Arts Center ay ang ang screw art na likha ng artist na si Boy Castro.
Libu-libong turnilyo ang ginamit sa paggawa ng nasabing artwork.
“More on mechanical ako then, natuto sa painting, paghalo ng timpla ng kulay, etc. Nagkaroon ako ng ideya na bakit kaya hindi ko pagsama-samahin sa isang frame iyong mechanical, painting at sculpture. So nag-try ako sa una syempre experimental muna hanggang sa nakuha ko iyong tama na gagawin at napagsama-sama ko ang mga nasabing medium sa iisang frame,” ayon kay Boy Castro.
Hardboard naman ang ginamit ng artist na si Hermie Castro para sa paglika ng kaniyang makukulay na obra.
Gaya ng Jeep, Vigan House at Koi Fish.
“Naisip ko Jeep kasi ito iyong unang sasakyan na ginamit ng mga Pinoy. Napapanahon din lalo itong ginawa ko dahil sa ginagawang modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan. So naisip ko itong gawin na tamang-tama bilang isang souvenir,” ayon naman kay Hermie.
“Ala-ala” naman ang pamagat ng oil painting na ipininta ng artist na si Ogie Castro.
Aniya, ang kaniyang obra ay sumisimbolo sa kaniyang mga magulang.
“Naglalarawan ito sa aking mga magulang. Medyo hawig ng father ko na marunong mag-violin. Iyong piano naman symbolizes yung nanay ko na isang choir member. Ginawa ko iyon kasi gusto kong ihandog sa kanila at ang nagbigay ng title niya noon ay ang tatay namin. .”
Singer na si Victor Wood, painter din
Tampok din sa EBC Arts Center ang mga obra ng batikang Filipino singer na si Victor Wood at ang mga likhang sining ng mga kawani at nangangasiwa sa EBC.
Likha ng mga Estudyante, makikita rin sa EBC Arts Center
Kabilang din sa mga naka-display sa art exhibit ay ang nilikha ng grade 12 student na si Ashlee Canlas mula sa New Era University Integrated School.
“Ginawa ko ito as advocacy. Kasi dito sa Pilipinas napakahirap tanggapin ang art o parang mababa po iyong tingin nila sa mga artist unlike sa Europe na sobrang laki ng suporta nila. Kaya sa mga gaya ko na isang batang artist ay may advocacy na huwag tumigiil hangga’t di nakakamit ang pangrap,” pahayag naman ni Ashlee Canlas, isa sa mga estudyanteng nag-exhibit ng kaniyang art work.
EBC-Arts Center, binuksan para maipamalas ang mga obra ng Filipino artists
Ayon kay EBC President Weng Dela Fuente, layon ng binuksang EBC-Arts Center na mabigyan ng pagkakataon ang mga Filipino artist na maipamalas ang kanilang mga obra.
Sa mga susunod na buwan aniya ay magkakaroon din ng kani-kaniyang tema ang art exhibit sa EBC-Arts Center at bukas para sa lahat ang pagko-contribute ng kanilang artwork.
“Bahagi ng adbokasiya ng EBC na sa pamamagitan ng sining eh mabigyan ng kasiyahan at inspirasyon ang ating mga kababayan. Alam natin na bagamat ang EBC ay isang broadcast network ang advocacy is paggawa ng mga programa na nakapagpapasulong ng family oriented programs, values centered programs pero bahagu din nito ay isulong ang pagtatagumpay sa kakayahan ng mga Filipino as artist; through this mabibigyan natin ng tahanan ang kanilang mga obra,” pahayag ni EBC President Weng Dela Fuente.
EBC Arts Center, bukas sa publiko at may free entrance
Ang art exhibit sa EBC Arts Center ay bukas sa publiko hanggang sa ikatlong-linggo ng Pebrero at libre ang entrance fee.