ASEAN kiosk, binuksan na sa Zamboanga City International Airport

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Pormal ng binuksan sa Zamboanga City International Airport ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Kiosk. Ito ay upang makapagbigay ng kaalaman sa mga pasahero ng eroplano ukol sa iba’t-ibang kultura ng bawat bansa ng Asya.

Mismong  si Presidential Communication Secretary Martin Andanar ang nanguna sa pagpapasinaya noong Sabado, Enero 28 sa naturang proyekto ng Philippine Information Agency (PIA) Regional Office-9. Ayon kay Andanar, sa pamamagitan ng mga nakalatag na babasahin at video screen mapapanuod ng mga bisita ang iba’t-ibang kultura sa bawat bansa na saklaw ng Asya.

Layunin din aniya nito na makita at masaksihan ng mga bisita ang mga magagandang tanawin sa bansa lalo na sa Mindanao kung saan maraming mga tanawin na talaga namang maipagmamalaki. Nais ding nilang mapatatag ang paggamit ng komunikasyon sa makabagong panahon.

Ito ang kauna-unahang ASEAN Kiosk sa bansa na pinundohan sa ilalim ng Duterte administration.

(Jun Cronico – EBC Correspondent, Zamboanga City)