MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinamamadali na ng Office of the Secretary to the Cabinet ang pag-audit sa operations ng National Food Authority (NFA).
Kasunod na rin ito ng ulat na naubos na ang suplay ng NFA rice para sa Metro Manila.
Sinabi ni Assistant Secretary Jonas George Soriano, tagapagsalita ng Office of the Secretary to the
Cabinet, napagpasyahan noong Marso 19 sa NFA Council Meeting na magsagawa ng audit sa naging operasyon ng NFA.
Ayon kay Soriano, kabilang sa kailangang ma-audit agad ang October-to-December 2017 operations ng NFA.
Inihayag ni Soriano na napansin ng NFA Council kung bakit sumabay ang NFA sa pagbi-benta ng mga NFA rice gayong harvest season ito ng palay sa bansa.
Iginiit ni Soriano na dapat na ma-audit ang buong operasyon ng NFA buhat nang pumalit ang Duterte administration.