Australia, tutol sa reclamation at militarization activities sa West Philippine Sea

(Eagle News) — Bagamat hindi kasama sa claimant countries o mga bansang may inaangking teritoryo sa West Philippine Sea — muling nanindigan ang Australia na tutol ito sa anumang reclamation at militarization activities ng alinmang bansa sa nasabing lugar.

Hindi man direktang pinangalanan ang China sinabi ni Australian Foreign Minister Julie Bishop na dapat iwasan ang mga naturang hakbang na magpapalala lamang ng tensyon.

Iginiit pa ng bumibisitang opisyal na dapat ipatupad ang rule based approach sa pagresolba ng nasabing usapin at igalang ang anumang pasya ng international arbitration.

Sa mga nakalipas, agresibo ang pagtatayo ng istraktura ng China sa ilang isla sa West Philippine Sea.

Ikinaalarma rin ng ilang observer ang tila paglalagay ng mga weapon system sa mga teritoryong inaangkin ng China na posibleng magpalala ng tensyon.

Sa panig ng Australian government, ipagpapatuloy nila ang freedom of navigation and flight sa West Philippine Sea na mahalagang daanan ng mga barkong nagdadala ng mga kalakal.

Hinimok ng australian offcial ang Pilipinas at ASEAN na maging isa ang boses sa nasabing usapin.

Malaki aniya ang papel ang gagampanan ng organisasyon sa pagguhit ng seguridad at kapayapaan sa indo-pacific region.

 

Relasyong PHL at Australia, lalong pinalakas

Umaasa rin ito na mapaplantsa na rin sa gaganaping ASEAN Summit dito sa bansa ang code of conduct sa West Philippine Sea.

Muli namang tiniyak ni Bishop na matibay na kapartner ng Australia ang Pilipinas sa kalakalan, industriya at edukasyon.

Ikalima ang Australia sa mga pinakamalaking trading partners ng bansa.

Pinapurihan ni Bishop ang 10 point economic agenda ng kasalukuyang administrasyon sa layong maging competitive ang Pilipinas sa rehiyon.

Ilan pang mahahalagang isyu, tinalakay nina Foreign Minister Bishop at DFA acting Sec. Manalo

Una na rito, nakipagpulong si Bishop kay Acting Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo kung saan ilang mahahalagang usapin ng dalawang bansa ang natalakay — kabilang na ang isyu ng human rights maging  ang kapayapaan sa Mindanao.

Magugunitang pumalag ang Australian Government sa pahayag noon nang kumakandidato pa si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa rape joke sa isang Australian Missionary.

Subalit kinalaunan, humingi rin ng paumanhin si Pangulong Duterte sa nangyari.

Magtutungo mgayong araw, Marso 17 si Bishop sa Davao City para sa courtesy call kay Duterte.

Related Post

This website uses cookies.