Daet, Camarines Norte – Isang bagong Dental Health Bus ang ipinagkaloob ng Department of Health (DOH) sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte bilang pagsasakatuparan sa layunin nito na maihatid sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan ang dental service ng Provincial Health Office (PHO).
Sa isinagawang regular na flag-raising ceremony sa kapitolyo ng probinsiya nitong Hunyo 6, 2016 ay pormal na tinanggap ni Acting Provincial Health Officer Dr. Myrna Rojas ang nasabing mobile dental clinic at matapos ito ay inilipat ito sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Ang sasakyan ay may dalawang dental chair at mga bagong dental equipment sa loob nito.
Sinabi ni Dr. Rojas na malaki ang maitutulong nito sa mga residente ng lalawigan na walang kakayahang makapunta sa mga dentista sa kabayanan.
“Iikot ito (dental health bus) at gagamitin natin para ma-address yung orally fit child, ma reach yun target dito sa buong probinsiya ay magsasagawa tayo ng operation para maisagawa ang mga programang ito,” dagdag pa nito. “Ginagawa natin ang lahat, sa pamumuno nina Gov. Egay Tallado at Vice Gov. Jonah Pimentel na maibigay ang pangkalusugang pangangailangan ng ating mga kababayan sa buong lalawigan.”
Maliban sa sasakyan ay 270 na wheelchairs mula sa DOH ang tinanggap ng PHO kung saan ito ay nakatakdang ibahagi sa mga pampublikong pagamutan ng Camarines Norte. (Eagle News/Edwin Datan, Jr)