Bagong mayor ng Mabalacat City, Pampanga, opisyal na umupo sa puwesto

MABALACAT CITY, Pampanga (Eagle News) – Opisyal na umupo sa puwesto si Crisostomo Garbo bilang bagong mayor ng Mabalacat City, Pampanga.

Naiproklama si Garbo noong June 27  pagkatapos kanselahan ng Commission on Elections en banc ang certificate of candidacy ni dating Mayor Marino Morales, at matapos ideny ng Regional Trial Court ng Angeles City Branch 58 ang hinihinging injunction ni Morales.

Si Garbo, na tumakbo sa pagkamayor ng lungsod noong May 2016 elections, ang siyang  nagsampa ng petisyon sa COMELEC upang ipawalang bisa ang certificate of candidacy ni Morales dahil lumampas na umano ito sa  tatlong termino bilang mayor na ipinahihintulot ng batas.

Pagkaalis sa puwesto ni Morales ay hiningi ni Vice Mayor Christian Halili sa Angeles City Regional Trial Court na pigilan si Garbo na manungkulan bilang bagong mayor.

Tinanggihan ng korte ang petisyon ni Halili, kung kaya’t nakaupo na sa pwesto bilang mayor si Garbo.

Nanumpa siya bilang bagong mayor ng lungsod noong June 30.

Pagkatapos ng flag raising ceremony sa city hall ay  pinulong niya ang lahat ng mga department head upang ipaabot ang kaniyang mga programa at pagusapan ang kani-kanilang mga adyenda.

Dating Provincial Board Member ng 1st District ng Pampanga at Vice Mayor ng Mabalacat City si Garbo, na nakakuha ng pangalawang pinakamataas na bilang ng mga boto sa isinagawang eleksyon noong nakaraang taon.

 

Ener Ocampo, Eagle News Service, Pampanga

Related Post

This website uses cookies.