Baguio City: Gumuhong Structural Building Sa Leonila Hill 1 Patay At 2 Sugatan

Screen Shot 2016-04-18 at 4.17.26 PM
Photo courtesy: Freddie Rulloda

 

PATAY ang isang construction worker at dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa at mga bato sa ginagawang structural building sa road 2 Evangelista St. Leonila hill Baguio city.

Kinilala ang mga biktima ng pagguho na sina Dexter Dizon, 23 taong gulang, dead on the spot, at ang dalawang sugatan na sina Mark Anthony Lata, at Alvin Karigtan, 21 taong gulang, puro tubong Puzzorubio, Pangasinan.

Nabigla man sa mga pangyayari, mabilis na kumilos ang mga construction worker at sa tulong ng mga rescuer ay nagsagawa ng search and rescue operation para rumesponde sa lugar. Gamit ang mga pala, hinukay nila ang makapal na lupa para ma-recover ang mga biktima. Makalipas ang dalawampung minuto, naiahon ang mga natabunan.

Ayon ka Ginoong Rafael Valencia ng 911 rescue/ emergency group Baguio station, tinamaan ng bato ang ulo ni Dizon at nahirapang makahinga sa makapal na lupang tumabon sa biktima matapos ang pagguho.

Sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad, kasalukuyang ginagawa ang isang gusali sa naturang lugar nang biglang gumuho ang lupa na may kasama pang mga bato at semento. Inaalam na ng mga pulis kung may kaukulang permit ang naturang construction firm at hinihintay ang paliwanag ng may ari kung bakit nangyari ang insidente ng pagguho. Napansin din ang kakulangan ng paggamit ng mga safety gadget at precaution na delikado para sa mga trabahador. Agad namang dinala sa Baguio General Hospital And Medical Center ang dalawang sugatan para sa kaukulang lunas.

 

(Eagle News Baguio Correspondent, Freddie Rulloda)