(Eagle News) — Pinag-aaralan na ring isailalim sa rehabilitasyon ng Department of Environment and Natural Resources ang Baguio City.
Kaugnay nyan, inatasan na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang isang team ng DENR na magsagawa ng isang buwang pag-aaral sa pine forests ng lungsod.
Kasunod ito ng unti-unti ng pagkaubos ng pine trees sa Baguio City.
Giit ni Cimatu, hindi matatawag na “City of Pines” ang Baguio kung mauubos ang mga pine tree na sumisimbolo sa lungsod.
Isa din aniya sa titignan ng DENR ay kung isang “natural cause” ang pagbaba ng bilang ng mga pine tree sa lungsod.
Nilinaw naman ng kalihim na malabo pa sa ngayong isara sa mga turista ang Baguio gaya ng ginagawa sa isla ng Boracay noong isang taon.
Baguio City over populated – NEDA
Isa pa sa problema sa Baguio City ayon naman sa National Economic and Development Authority ay ang over-population.
Ayon sa NEDA, hindi na sapat ang water supply, mga kalsada, urban facility at public service para sa mahigit tatlong daang libong residente ng lungsod.
Mas lalo pa umanong sumisikip sa summer capital tuwing holiday season dahil sa pagdagsa ng mga turista.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng neda na hindi pa naman nalalampasan ng Baguio City ang kanilang carrying capacity na pitong daang libo.