BONGABON, Nueva Ecija (Eagle News) – Tinatayang nasa 82 milyong pisong halaga ng mga nasirang palayan ang iniwan ng Bagyong ‘Karen’ sa bayan ng Bongabon.
Ayon kay Mayor Ricardo Padilla, ito ang naging resulta sa pagtaas ng tubig sa mga nasasakupang barangay partikular na sa Lusok, Macabaclay, Palo Maria, at Vega. Maliban aniya sa mga magpapalay ay iniinda din ng lokalidad ang nasa humigit dalawang-milyong pisong sira sa gulayan na tinatayang mula sa 53 ektaryang sakahan na nasalanta ng bagyo.
Dagdag na pahayag pa ni Padilla, kabilang sa mga tinitignang sanhi sa pagkasira ng mga taniman ay ang mabilis na pagdaloy ng tubig mula sa mga kalsada patungo sa mga bukirin na kinakailangang masolusyunan kaagad. Umabot din aniya sa 154 pamilya ang inilipat sa mga evacuation center nitong kasagsagan ng bagyo na ngayon ay nagsibalik na sa kani-kaniyang mga tahanan kasabay ng paghupa ng tubig baha gayundin ay bukas na ang lahat ng mga pangunahing daang patungo at palabas ng bayan.
Makaaasa naman aniya ang mga kababayan sa agapay na ihahandog ng pamahalaang lokal upang makabawi sa nawalang pangkabuhayan.
Bhella Santiago – EBC Correspondent, Nueva Ecija