Balik normal na ang lahat ngayon sa bayan ng Baler matapos bahagyang humina ang bagyong Chedeng na ngayon ay isa nang Low Pressure Area.
Ayon sa head ng MDRRMO na si Gabriel Llave, Nagbalik na sa kanilang mga tahanan ang halos isang daang indibidwal na inilikas kahapon mula sa coastal area ng Brgy Sabang.
Kinumpirma naman ni Baler Mayor Nelianto Bihasa na ligtas na ngayon ang outdoor activities sa dagat gaya ng surfing na una nang ipinagbawal simula nitong Biyernes dahil sa paglaki ng mga alon.
Bukas na rin umano ngayon ang Baler na tumanggap muli ng mga turista na nais sulitin ang bakasyon.
Napag alaman na kaunti lamang na mga turista mula sa kabuuang halos siyam na libo ang umalis ng Baler nitong weekend nang manawagan si Mayor Bihasa sa pagpapaalis sa kanila kaugnay ng safety measures sa bagyong Chedeng.
Sinabi ni Municipal Tourisim Rizza Del Rosario ng Baler na marami sa mga turista ang nagtungo lamang sa ibang bayan na malayo sa dagat habang patuloy naman ang pagdagsa ng mga dayo simula kahapon sa kabila ng storm signal.
Samantala, nilinaw ni Mayor Bihasa at MDRRMO head Llave na nagmula sa lokal na pamahalaan ang mga relief goods na ipinamahagi sa mga evacuees simula kahapon.
Wala umanong natanggap na food packs mula sa Department of Social Welfare and Development bagamat inanunsyo kahapon ni Secretary Dinky Soliman na kabilang ang bayan ng Baler sa mga pamamahaginan nito.
Gayunman, nagpapasalamat ang alkdalde at mga kawani ng Baler sa malaking suporta ng national government sa pangunguna ng NDRRMC at DILG para masigurong ligtas ang mga mamamayan ng Aurora.
Orlando Fausto
EBC correspondent