Ano nga bang mayroon sa Boracay at dinarayo ito ng napakaraming turista mula sa iba’t-ibang panig ng mundo?
(Eagle News) — Noon, kapag sinabing Boracay, pinung-pinong buhangin at malinaw na tubig ng dagat lamang ang dapat mong asahan.
Subalit ngayon, ang Boracay ay naging sentro na rin ng iba’t-ibang tourist activities, kung kaya’t higit itong nakilala sa buong mundo, kasabay ng pag-usbong ng social media.
Bukod sa paglalakad sa pinong buhangin at pagtatampisaw sa dagat, isa na ring attraction dito ang sailing at para-sailing.
Meron ding diving para sa mga trained diver at sa mga beginner. Pwede namang mag helmet diving, upang masilayan ang makukulay na isda at corals ng Boracay. Para naman sa mga bata, ayos na ang snorkeling sa swimming pools.
At kung sawa ka na sa dagat at gusto mong ikutin ang buong isla, maaari kang maglakad, mag-tricycle, o mag-pedicab.
Ngunit dahil sa sobrang dami ng tao sa isla kahit hindi peak season, naging dikit-dikit na rin ang mga hotel, restaurant, iba’t-ibang tindahan, at kung anu-ano pang serbisyong makikita sa dalampasigan.
Dahil dito, ang isla ng Boracay ay nagmistula na ring isang malaking siyudad kung saan marami ng billboard ng mga advertisment ang makikita sa halos bawat sulok ng isla.
Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin mapigilan ang pagdagsa ng mga turista, kahit pa sabihing marami pang ibang magagandang dalampasigan sa ibang bahagi ng Pilipinas, at inaasahang lalo pang dadagsain ang Boracay, pagkatapos na ito ay maisaayos, sa susunod na anim na buwan.
Ngayong araw, Abril 26 ang simula ng six-month closure ng isla para sa rehabilitation nito kung saan mas inaasahang lalong maganda at maayos na serbisyo ang maibibigay sa mga bibisita dito. Nelson Lubao