Bangkay ng 1 sa 3 taong natangay ng agos mula sa isang resort sa Laguna, natagpuan

MAJAYJAY, Laguna (Eagle News) — Natagpuan na ng mga awtoridad ang isa sa mga tatlong nawawala mula sa isang resort dito sa Majayjay, Laguna nitong Lunes, Hunyo 6.

Nakita ang bangkay ng anim na taong gulang na si Christine Altea Alimania na residente ng Katapatan, Cabuyao, Laguna.

Dalawa pa sa kanyang mga kasamahan na sina Vanessa Carillo Villar, 33 taong gulang, residente ng Guevara St. Dasmariñas  Cavite at Bryan Alimania, 34 taong gulang ang pinaghahanap ng mga rescue personnel.

Ang tatlo ay natangay ng malakas at biglaang pagragasa ng baha mula sa bundok habang sila ay lumalangoy sa Dalitiwan resort dito sa barangay Ilayang Banga, Majayjay, Laguna.

Napag-alaman na bandang 3:30 ng hapon, Linggo, June 5, 2016, nang maganap ang trahedya.

Sinabihan diumano ng management ng nasabing resort at ng mga tanod sa lugar ang lahat ng naliligo na umahon na sa ilog dahil inaasahan na nilang babaha sa lugar. Hindi nagtagal ay dumating nga ang rumaragasang baha na galing sa bundok.

Agad namang ni-rescue ng mga tauhan ng resort ang mga naliligo ngunit huli na para maisalba ang tatlo at tuluy-tuloy na itong tinangay ng malakas na agos ng tubig.

Nang makarating sa kaalaman ng Majayjay PNP ang insidente ay agad silang nakipag-coordinate sa Bureau of  Fire and Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), at Philippine Army upang magtulung-tulong sila sa isasagawang follow up search and rescue operation para sa retrieval ng tatlong biktima ng baha. Ilang sandali pa dumating rin ang rescue team ng Philippine Red Cross Laguna Chapter para tumulong din sa paghahanap sa mga nawawala. Inabot na silang 10:00 ng gabi sa paghahanap ngunit bigo silang makita ang katawan ng mga biktima kaya ipinasiya na lamang na ipagpabukas na ang isinasagawang retrieval operation.  Kinabukasan, June 6, 2016, sa maghapon nilang paghahanap ay natagpuan nila ang isa sa mga nawawala na si Cristine Altea Alimania na nasa ilalim ng isang malaking bato,  samantala ang dalawa pang nawawala ay patuloy pa ring hinahanap.

(Cheerwin Bautista, Eagle News Service Laguna Correspondent)

 

 

Related Post

This website uses cookies.