Bansag sa kanilang ‘agaw-bahay,’ inalmahan ng grupong Kadamay

(Eagle News) — Umalma ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa bansag sa kanilang grupo bilang mga “mang-aagaw ng bahay.”

Ito ay harap ng sunud-sunod na pag-ookupa ng grupo sa mga bakanteng pabahay ng pamahalaan sa Pandi, Bulacan at Rodriguez, Rizal kamakailan.

Ayon kay Kadamay Vice Chairperson Estrelita Bagasbas, ipinaglalaban lamang nila ang kanilang karapatan kaya nasasaktan sila tuwing babansagan silang “Kadamay-Agaw Bahay.”

Nakasalig aniya sa konstitusyon na dapat na bigyan ng disenteng pabahay ng pamahalaan ang lahat ng maralitang pilipino basta’t ito’y dumaan sa tamang proseso.

Giit pa ni Bagasbas, mali rin ang ulat ng media na bigla na lamang silang umookupa ng mga pabahay ng pamahalaan dahil dumaraan naman sila sa proseso at may hawak silang mga dokumento na nagsasaad na maaari na nilang tuluyan ang mga nasabing pabahay.