LA UNION (Eagle News). Mas pinaigting pa ng La Union Police Provincial Office (LUPPO) ang kanilang kampanya kontra droga sa pamamagitan ng pagre-activate ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa ilalim ng Department of Interior and Local Government Circular.
Ang BADAC ay binubuo ng Punong Barangay bilang Chairman, at katuwang niya ang mga Brgy. Kagawad, Brgy. Tanod, Sangguniang Kabataan, School Principal, Kinatawan ng NGO o Civic Society, at ng Hepe ng Police.
Kamakailan lang ay nagsagawa ng Mass Oath Taking ng BADAC sa buong Probinsya ng La Union na sinaksihan ng mga Local Chief Executives.
Ayon kay Police Senior Superintendent Angelito Dumangeng, Provincial Director, ang sinomang Brgy. Captain na di susunod sa DILG Circular sa kanilang lokalidad ay masasampahan ng kasong administratibo. Ang nasabing DILG circular ay nag-oobliga sa kanila ng regular na pagsusumite ng monitoring report sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ukol sa illegal drug activities
Samantala, kaugnay ng Proklamasyon ni pangulong Duterte na “all-out-war” laban sa illegal na droga ay hinihimok nila ang mga drug personalities na boluntaryong sumuko na at mangakong magbagong buhay.
Ibinunyag din ni Dumangeng na sa kasalukuyan ay umaabot na sa halos 800 drug personalities ang boluntaryong sumuko na sa buong probinsya at umaasa sila na mas madaragdagan pa ang mga ito sa darating na mga araw. Ipinakikiusap ni Dumangeng na gawin ng BADAC ang kanilang trabaho na maging mapagmatyag upang tuluyang masugpo ang anumang illegal na gawain sa kanilang lugar.
Joshua Guerrero – Eagle News La Union Correspondent