QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Nakaka-apekto umano ang kawalang aksyon ng ilang opisyal ng barangay na magtayo ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa itinakdang deadline ng gobyerno para makamit ang drug-free Philippines.
Target ng gobyerno na pagsapit ng 2022 ay maging drug-free na ang Pilipinas.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, ang BADAC ay may layuning makatulong sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero may ilang opisyal ng barangay aniya ang hindi nakabuo ng BADAC sa kani-kanilang mga lugar.
“Hindi sila active sa kanilang BADAC. Iyon ang problema kasi sila yung katulong namin para magkaroon ng drug-cleared Philippines by 2022. ‘Yun ang vision natin na before the president steps down by 2022 drug-cleared ang Philippines,” ayon kay Aquino.
Paliwanag ni Aquino, ang kakulangan ng inisyatibo ng ilang lider ng barangay ay humantong sa kabiguan ng mga otoridad na maaresto ang mga hinihinalang drug lords.
Ayon pa kay Aquino, maaari umanong gamitin ng mga botante bilang gabay ang inilabas narco list para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.
Makakatulong aniya ito upang malaman ng publiko kung sino ang kanilang iboboto o gustong iluklok bilang opisyal ng kanilang mga barangay.
“Imagine isang kapitan mo na drug addict, kagawad mo drug pusher hindi mo alam, sino mag-su-suffer? Yung taumbayan doon and the next generation and kahit na anong effort ang gawin ng kapulisan, PDEA at ano pa mang ahensya, kasi ang namumuno ng barangay puro adik,” ayon sa opisyal.
“Wala kaming magagawa kung ganun so tama lang na iluklok doon sa barangay ay isang matino at maayos para mabigyan ng tamang silbi yung tao,” dagdag pahayag ni Aquino.