Barangay chairman na high-value target ng PNP-Tarlac, arestado

 Aser Bulanadi/Eagle News Service/

TARLAC CITY, Tarlac (Eagle News) – Bumagsak sa mga kamay ng mga tauhan ng Tarlac Police Provincial Office (TPPO) ang isang barangay chairman na  high-value target (HVT) umano ng mga otoridad.

Ito ay matapos na maaresto siya mismo sa kaniyang tahanan sa bisa ng search warrant na inisyu ng  Regional Trial Court, Branch 66 ng Capas.

Sa report ni Police Supt. Luis M. Ventura, hepe ng Tarlac Provincial Intelligence Bureau (PIB) kay Police Senior Supt. Ritchie Medardo Posadas, Tarlac provincial director, ang naaresto ay kinilalang si Brgy. Chairman Agustin Torres, 41 taong gulang, taga-Brgy. San Agustin Murcia, Concepcion, Tarlac.

Naaresto ang barangay chairman ng pinagsanib na pwersa ng PIB at sa pakikipagtulungan ng Concepcion Municipal Police Station at ng Philippine Drug Enforcement Agency na pinangunahan ni Supt. Luis Ventura.

Nakumpiska mula sa tahanan ni Torres ang limang pakete ng shabu, anim na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na inaalam pa kung ilang gramo, isang .45 caliber pistol, isang magazine na may pitong bala at iba pa.

Nahaharap ngayon si Torres sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakakulong sa Provincial Intelligence Bureau lock-up cell. Aser Bulanadi at Godofredo Santiago, Eagle News Service