STA. CRUZ, Laguna (Eagle News)– Isang barge na ginagamit sa paggawa ng rip-rap ang tinangay ng rumaragasang ilog sa Sta. Cruz, Laguna bunsod ng malakas at walang tigil na pag-ulan na dulot ng Tropical Depression Maring.
Ang barge ay muntikan ng tumama sa tulay ng Sta. Cruz, ngunit agad namang napigilan dahil sa mga kumpol ng waterlily na nakapalibot sa ilog.
Ang naturang insidente ay labis na ikinabahala ng mga residente na nakatira malapit sa nasabing tulay, kaya naman agad na nagtulong-tulong ang mga ito upang talian ng lubid ang barge, upang mapigilan ang pagtama nito sa tulay.
Wala namang naiulat na nasaktan, ngunit pansamantala munang isinara ng mga otoridad ang Sta. Cruz bridge sa mga motoristang dumaraan.
(Sa ulat at mga larawan ni Mae Ramo, EBC Correspondent- Laguna)