Batang namatay sa severe dengue noong 2016 sa Bataan, inawtopsiya ng PAO

MARIVELES, BATAAN (Eagle News) — Kusang-loob na pina-awtopsiya ang isa sa mga batang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia.

Binigyan ni Nelson de Guzman ng pahintulot ang mga otoridad na maisailalim sa pagsusuri ang bangkay ng kanyang anak na si Cristine Mae de Guzman, 10.

Ang nakababatang De Guzman ay namatay matapos itong mabakunahan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia noong nag-aaral pa ang bata sa Barangay Sisiman Elementary School.

Kasama ng mga doktor na nagsagawa ng autopsy sa bangkay si Atty. Persida V. Rueda-Acosta, hepe ng Public Attorneys Office (PAO), at ilang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Ayon kay De Guzman, inabot lang ng halos 24 oras ang kanyang anak sa Bataan General Hospital sa Balanga City at binawian na ito ng buhay noong Oktubre 2016.

Nakitaan lamang aniya ito ng matinding pananakit ng ulo at tiyan at hindi man ito nagkaroon ng sinat o lagnat man lang.

Dagdag pa ni De Guzman, nabakunahan ng Dengvaxia ang kaniyang anak noong Abril 2016 at makalipas ang halos anim na buwan o Oktubre 2016, namatay na ito.

Ayon sa death certificate ng bata, namatay ito dahil sa severe dengue.

Samantala, nagpasalamat naman si Acosta sa tulong ng pamahalaan sa pagsasaayos ng paglilibingang kabaong ng bata matapos ang autopsy.

Pahayag pa nito, pagsasama-samahin nila ang mga resulta ng autopsy para sa mas masusing pag-aaral ng mga doktor para naman sa pagsasampa ng demanda laban sa Sanofi Pasteur, na gumawa ng Dengvaxia, at mapanagot din ang iba pa.

Paalala naman ni Acosta, agad na dalhin sa ospital ang mga bata kung nakitaan ang mga ito ng mga sintomas ng dengue, lalo na ang batang naturukan ng Dengvaxia.

Aniya, agad na makipag-ugnayan ang mga kaanak ng pasyente sa mga tanggapan ng PAO.

Umaasa naman si De Guzman na mabibigyan ng linaw ang totoong dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak.

(Larry Bischoco)

Related Post

This website uses cookies.