Batangas City nakaranas ng landslide, rockslide at matinding pagbaha dahil sa bagyong Ramil

(Eagle News) — Dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong Ramil, maraming lugar sa Batangas City ang nakaranas ng mga pagbaha maging ng mga rockslide at landslide.

Sa Barangay Simlong, maraming mga sasakyan ang hindi makadaan dahil sa rumaragasang tubig baha mula sa bundok patungo sa ilog, umapaw din ang mga creek at kanal at umabot sa mga kalsada.

Sa bahagi naman ng Brgy. Ilijan at Brgy. Pagkilatan patungo sa Brgy. Simlong, maraming mga puno ang nabuwal at sumabit sa mga kable na naging dahilan ng pagkawala ng supply ng kuryente.

Gumulong din ang malalaking tipak ng bato buhat sa mga bundok dahil sa paglambot ng lupa na humahawak sa mga ito.

Ito ang naging dahilan kung bakit nagdesisyon si Batangas Governor Hermilando Mandanas na kanselahin ang klase sa buong lalawigan sa pampubliko at pampribadong paaralan sa rekomendasyon na rin ng PDRRMC ng Batangas.

Sa kasalukuyan ay nagkakaroon ng mga clearing operations sa mga apektadong barangay at patuloy pa ring inaalam ang kabuuang pinsala ng bagyong Ramil sa Batangas.

(Eagle News Service Ghadzs Rodelas)

Related Post

This website uses cookies.