Bayani Fernando pinakakasuhan na kaugnay sa MMFF fund scam

MANILA, Philippines (Eagle News) — Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan laban kay Dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman at ngayo’y Congressman Bayani Fernando kasama ang lima pang iba pa.

Labing tatlong kaso ng paglabag sa anti-graft and practices act ang nakatakdang isampa laban kay Fernando dahil sa di umano’y kuwestyonableng paggamit sa pondo ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ibinatay ng ombudsman ang desisyon sa mga notices of disallowance na inisyu ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng MMFF funds ng MMDA mula 2003 hanggang 2009.

Kabilang dito ang P1.6 million birthday cash gift kay Fernando, p1.8 million expenses para sa cultural projects at halos P11 milyong pisong cash incentives na ibinigay sa Chairman ng MMDA at mga miyembro ng executive committee.

Nakasaad sa COA report ang kakulangan ng official receipts para patunayang ginamit sa cultural projects ang pondo at kakulangan ng aprubadong payroll para sa cash incentives.