LIANGA, Surigao del Sur (Eagle News) – Muling nagpositibo sa red tide toxin and baybayin ng Lianga, Surigao del Sur. Ito ay ayon sa huling pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Dahil dito ipinagbabawal muna ang pagkuha at pagbebenta ng anumang shellfish at maging ang alamang sa apektadong lugar.
Base sa pagsusuri ng BFAR mataas ang antas ng red tide toxins na nakuha sa mga water sample na kinukuha nila kada lingo. Kapareho lamang aniya ito ng red tide outbreak na naganap noong Disyembre 2017.
Samantala ang mga isda, pusit, hipon, alimango at iba pang lamang dagat ay ligtas namang kainin ngunit kailangan itong linising mabuti, alisin ang lamang loob at ilutong mabuti.
Kasamang binabantayan ng BFAR ang mga munisipalidad ng Barobo, Tagbina at San Agustin na sakop ng Lianga Bay. Samantalang ligtas naman sa red tide toxin ang bayan ng Hinatuan at Bislig sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Pinangangamabahan naman na maapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa naturang lugar. Issay Daylisan