Ni Belle Surara
Eagle News Service
(Eagle News) – Pangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagdiriwang ng National Biotechnology Week (NBW) sa taong ito.
Layunin nito na mapalawak pa ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa benepisyong idinudulot ng biotechnology sa buhay at pamumuhay ng tao.
Ang tema nang naturang pagdiriwang ay “Pambansang Hamon, Pambansang Solusyon.”
Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, tatalakayin sa pagdiriwang ng NBW ang mga biotechnology product, researches at services na makatutulong upang malaman ang mga pagsubok at limitasyon na nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa.
Sa naturang aktibidad, sangkot din sa pagdiriwang at magsasagawa ng aktibidad ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Environment and National Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Commission on Higher Education (CHED), International Rice Research Institute, Southeast Asian Regional Center for Study and Research in Agriculture, University of the Philippines (UP) Los Baños, Biotechnology Coalition of the Philippines, at University of the Philippines National Institute of Molecular Biology and Biotechnology.
Benepisyo ng biotechnology, nakita sa isinagawang mga pagsusuri
Ayon kay Dela Peña, nitong mga nagdaang taon ang mga scientists at iba’t-ibang institusyon ng research and development (R&D) ay nakatuklas ng makabagong kaalaman, produkto, at serbisyo kung paano makatutulong ang iba’t-ibang gamit ng biotechnology sa mga sektor tulad ng agrikultura, serbisyong pangkalusugan, paghahanda sa mga kalamidad, at konserbasyon ng ating kalikasan.
“Noon pang 70’s ay inintroduce na ang biotechnology. Salamat sa mga pioneering scientist natin sa Los Baños, binuksan nila yong Biotechinstitute of Plant Breeding. Sa Diliman (UP) binuksan nila ang Institute of Molecular Biology and Biotechnology… At later on sa University of the Philippines alone ay nagkaroon ng Institute of Biotechnology Molecular Biology sa lahat ng campuses, major campuses, including sa Visayas. Sa Manila, Los Baños, Visayas and Diliman ay may kani-kaniya silang mga areas of focus,” pahayag ni DOST Secretary Fortunato dela Peña.
Ayon naman kay Undersecretary Segrefredo Serrano, “Unang una, kasama po ang DOST at DENR, ang gusto naming mai-promote ay iyong attitude sa ating mga mamamayan lalung-lalo na sa kabataan sa ating mga consumer na ang importante ay yong objective science base evidence. Magkaroon tayo ng appreciation sa Science na pamumuhay kaysa doon sa tayo ay natatakot or superstition or misperception about certain danger, katulad yong nagsasabing mag-ingat tayo dun sa products ng modern biotechnology, parang akala mo mayroong hazard. Siguro po ay hindi alam ng karamihan na mayroon tayong regulatory system na isa sa pinakamahigpit, pero hindi naman kasinghigpit ng ibang bansa o mas sistema na ang sinasabi lang ay ayaw namin iyan.”
Idinagdag pa ni Dela Peña, ang paggunita sa NBW ay isang magandang oportunidad para sa lahat upang maipakita ang kolaborasyon ng mga unibersidad, pribadong sektor, ilang ahensya ng pamahalaan, at ang publiko upang makakabuo ng makabagong produkto at serbisyo na makatutulong sa lahat.
Mga lalahok na ahensya, may interactive exhibits
Sinabi din ni Dela Peña na maglalagay ang mga kalahok na ahensya ng interactive exhibits kung saan itatampok ang iba’t ibang pananaliksik at proyekto ng biotechnology sa limang araw na pagdiriwang nito.
“Inaanyayahan ko kayong lahat na umattend, sumama, pumunta sa World Trade Center, from Nov. 13 to 17 ngayong taon, para makilahok sa National Biotechnology Week na ang tema ay Bioteknolohiya Pambansang Hamon, Pambansang Solusyon. Ito po ay libre, walang bayad ito. So, inaanyayahan ko ang lahat, walang exceptions bata matanda, lahat tayo ay pumunta doon at makikita ninyo ang maraming exhibit para maunawaan ninyo at matutunan ninyo ang mga tulong na nagagawa ng biotechnology sa buhay ng bawat Pilipino. So, magkita-kita po tayo doon”, paanyaya ni Dr. Jaime C. Montoya, Executive Director, DOST-PCHRD.
Isasagawa sa NBW 2018 ang ilang talakayan ukol sa sa tamang pangangalaga ng kalusugan at Science and Technology (S&T), career talk, kompetisyon ng biotech jingle, fun art, at sabayang bigkas, science journalism writeshop, at national farmer’s congress.
https://www.youtube.com/watch?v=NgP98k8hqmA&feature=youtu.be