Biktima ng motorcycle riding-in-tandem, umabot na sa halos 1,000 katao – PNP

(Eagle News) — Mula Oktubre noong nakaraang taon, umabot na sa 927 ang nabiktima ng motorcycle riding criminals sa buong bansa.

Sa kabuuang bilang, 880 sa mga biktima ang napatay, habang 47 naman ang nasugatan.

Ayon sa otoridad, mahigit sa isang libo ang suspek sa nasabing mga krimen, ngunit 51 pa lamang sa kanila ang naaresto habang 12 naman ang napatay sa engkwentro. Sa kasalukuyan ay 1,008 na ang bilang ng mga suspek kung saan 358 sa mga ito ang identified at 650 naman ang unidentified.

Sticker scheme, nais buhayin ng PNP sa lahat ng motorsiklo sa bansa

Dahil dito, nais ni PNP Chief Oscar Albayalde na buhayin ang sticker scheme sa lahat ng motorsiklo sa buong bansa.

Sa pamamagitan nito, mas maayos daw na mamo-monitor ang mga motorsiklo at madaling matukoy ang mga nakaw na motorsiklo na kadalasang ginagamit ng mga kriminal.

Magkakaroon daw ito ng barcode at hindi madaling pekein at alisin.

PNP-HPG, pabor sa sticker scheme
Pabor naman ang Highway Patrol Group sa sticker scheme pero kailangan daw ang pakikipagtulungan ng bawat local government unit para maging matagumpay ito.

Operasyon kontra carnapping, palalakasin ng PNP-HPG

Sa ngayon palalakasin daw muna ng HPG ang kanilang operasyon kontra carnapping at motornapping para mapigilan ang paglaganap ng mga kriminal na gumagamit ng nakaw ng sasakyan at motorsiklo. (Mar Gabriel)