(Eagle News)– Nasa 10.71 porsyento lamang o 25,602 mula sa 238,966 na kumuha ng pagsusulit ang nakapasa sa Career Service Professional examinations na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) nitong Marso 18.
Mas mataas naman ng kaunti ang mga nakapasa sa Career Service Sub-Professional examination na nasa 11.20 porsyento o 4,573 na bilang ng mga pasado mula sa 40,821 na kumuha ng pagsusulit.
Ayon sa CSC, ang Cordillera Administrative Region o CAR ang nakasungkit sa pinakamataas na passing rate sa antas na propesyonal na may 1,388 na pasado o katumbas ng 17.32 porsyento.
Samantala, ang National Capital Region (NCR) naman ang nanguna sa antas na Sub-Professional na may 14.80 porsyento na passing rate o 1,259 na bilang ng mga nakapasa sa eksaminasyon.
“Ang mga nagtagumpay na pumasa sa pagsusulit sa propesyonal na antas ay maaaring hirangin sa unang baitang (klerikal) at ikalawang baitang (teknikal) na mga posisyon sa gobyerno, kabilang rito ang mga posisyong tagapagpaganap at tagapangasiwa sa pangalawang antas. Ito ay kung maaabot nila ang iba pang mga katangiang hinahanap sa bawat posisyon, katulad ng inabot na edukasyon, kakayahan, karanasang may kinalaman sa posisyong ninanais, mga pagsasanay at iba pa,” pahayag ng CSC.
Samantala, ang mga nakapasa naman sa sub-professional na antas ay “maaari lamang hirangin sa mga unang baitang na posisyon sa gobyerno.”
“Ang parehong Professional at Sub-Professional eligibilities ay angkop sa mga posisyon na hindi kasangkot sa pagsasanay ng propesyon at hindi sakop ng mga espesyal na batas, “dagdag pa ng CSC.
Ang kumpletong listahan ng mga pumasa sa Career Service exam noong Marso 18 ay makikita sa CSC website na www.csc.gov.ph.
Samantala, ang mga Certifications of Eligibility (CoE) naman ay maaaring kunin sa mga CSC regional offices simula sa Hunyo 18.
Ang susunod na pagsusulit ay gaganapin sa Agosto 12, 2018, habang ang pagpo-proseso naman ng mga aplikasyon ay hanggang Hunyo 22 lamang. Jodi Bustos