(Eagle News) — Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga sumusukong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa northern Mindanao partikular sa Bukidnon.
Ayon kay Supt. Kurkie Sereñes ng Philippine National Police-Region 10, aabot sa 100 ang bilang ng mga nagsisukong NPA sa hilagang Mindanao.
Resulta aniya ito ng mga itinalagang checkpoint at mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng militar at pulis kasunod ng pagsasailalim sa martial law ng buong Mindanao at magandang programa ngayon ng gobyerno para sa NPA surrenderees.
“Binibigyan po ng pagkakataon ang ating mga surrenderee na magsimula ng kanilang normal na buhay. Isa na rin po ang pamamalakad ng gobyerno, dahil po sa nakikita nilang normal at maganda na po ang pamamalakad ng gobyerno. Nakikita po nila na may hustisya na po sa ating justice system. Isa na rin ho siguro ito sa nakikita nilang malaking factor kung bakit sumusuko na po ating mga kapatid na NPA,” ayon kay Sereñes.
Samantala, bukod sa mga sumusukong miyembro ng NPA, nakarekober din ang mga pulis at sundalo ng mga nakaw na bigas at iba pang food items mula sa komunistang grupo.
Ayon kay Sereñes may nag-tip sa kanila na may mga iniwang bigas, asukal, asin at mga munggo ang NPA sa isang sitio sa Bukidnon na una nilang inakala na mga armas.
Ang mga ito aniya ay pawang nagmula sa extortion activities ng komunistang grupo.