Bilyun-bilyong piso, nasasayang dahil sa mga sablay na housing units

(Eagle News) — Hindi nababawasan ang problema ng bansa sa mga pabahay para sa mga calamity victims dahil sa mga sablay na pagkakagawa ng mga nasabing housing units.

Ayon kay Senador Jv Ejercito, Chairman ng Senate Housing Committee, nakalulungkot dahil bilyun-bilyong piso ang nasasayang na pondo na inilaan para sa mga housing units pero hindi naman tumatagal ang mga naninirahan doon sanhi ng lokasyon at kulang-kulang na mga pasilidad.

Hindi rin isinasantabi ni Ejercito na may “mafia-like gang” na kumikilos sa mga housing project at sabwatan ng ilang mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong kontratista sa pagpapatupad ng mga proyektong-pabahay ng gobyerno.

Dahil dito, isusulong niya ang pagbuo ng Department of Housing upang magkaroon ng iisang direksyon ang sektor ng pabahay.

“Yung bilyon na ginagastos natin para sana masolve yung housing back logs eh hindi nababawasan kasi nga hindi talaga tumatagal at hindi tinitirahan madalas malayo sa kabihasnan, wala yung mga health facilities, walang mga paaralan,” ayon kay Ejercito.

“Meron pa akong nadalaw na pabahay doon sa controversial AFP, PNP housing ni walang signal yung cellphone, so talagang inhabitable,” dagdag pa ng senador.

Kaugnay nito, sa Lunes, sinabi ni Ejercito itinakda ang pagdinig ng Senate Housing Committee sa mga opisyal ng National Housing Authority (NHA) at mga private contractors at developers.

Ang mga ito aniya ang responsable sa mga itinayong housing projects para sa mga biktima ng kalamidad sa Tacloban City; Cateel, Davao Oriental, Cagayan De Oro City at Zambonga City.

 

Related Post

This website uses cookies.