MARIVELES, Bataan (Eagle News) – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Blood Donors Month ng Department of Health (DOH) ay nagsagawa ng bloodletting activity ang Mariveles, Bataan nitong Lunes, July 10, 2017. Katuwang nila ang Bataan General Hospital sa pagsasagawa ng nasabing aktibidad. Ito ay may temang “Save a life. Donate your blood.”
Pinangunahan ni Mayor Ace Jello Concepcion ang nasabing aktibidad kasama ang Mariveles Municipal Health Office sa pamumuno ni Dr. Gerald Sebastian. Nakiisa rin ang iba’t ibang empleyado at departamento ng munisipyo at maging ang Mariveles Municipal Jail o BJMP ay nakibahagi din.
Nakilahok din ang Philippine Army 48 Infantry Batallion na nakabase sa Mariveles at ang 305th Bataan Community Defense Group Army Reserve Command ng Mariveles, mga kadete ng Maritime Academy sa pangunguna naman ni 2Lt. Efren Patriarca. Kasama rin sa nasabing aktibidad ang mga Barangay Official at mga mamamayan ng Mariveles na bulontaryong nag-donate ng kanilang dugo.
Ayon naman kay Dr. Danilo Velasco, Head ng Mariveles Rescue Paramedics, nasa mahigit 100 ang nag-donate ng dugo at direkta itong mapupunta sa Bataan General Hospital. Pakikinabangan naman ito ng mga mamamayan ng Mariveles na maaaring magamit ng walang babayaran o anomang kapalit na dugo pagkatapos maisalin sa pasyente.
Dagdag pa ni Dr. Velasco, maaari na silang magsagawa ng blood letting quarterly na lilibot sa mga barangay para matugunan o makatulong sa pangangailangan ng dugo ng kanilang mga kababayan.
Larry Biscocho, Cesar Dabu, at Antonio Garcia