(Eagle News) – Bukod sa bundok ng Espadang Bato na sikat sa mga mountaineer, ngayon naman ay tuklasin natin ang nakamamanghang sapa na kung tawagin ay Blue rock lagoon. Ito ay matatagpuan sa Sitio Lukutan, Malaki Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Ang Blue lagoon ay mayroong malamig at malinis na tubig. Kaya naman, marami ang nagpupunta dito para maligo kahit na ito ay nasa kalagitnaan ng kagubatan ng bundok ng Rodriguez.
Simula sa bayan ng Rodriguez ay may kalahating oras na byahe papunta dito at kung ikaw ay may sampung piso ay makakapasok kana at makakaligo. At kung nais namang magbonding sa pamamagitan ng pagkain kasama ang inyong pamilya o mga kaibigan ay maaaring makapagrenta ng cottage sa halagang 150 pesos.
Ang tubig sa lagoon ay mula sa mga kabundukan ng Rodriguez, Rizal.
Ang Blue lagoon ay nasa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Tourism kaya naman nakatutok sila sa bawat bumibisita para mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran nito.
Sa mga panahong ito at malapit na ang summer season ay inaasahang dadagsa ang mga pupunta dito upang maligo sa lagoon.
Ibayong pag-iingat naman ang paalala ng mga nangangasiwa dito dahil sa madudulas na bato, at binabawalan din na magdala ng anomang inuming nakalalasing para na rin makaiwas sa sakunang maaaring mangyari.
Mahigpit din ang pagbabantay sa mga magtatapon o mag-iiwan ng mga basura sa lugar para mamintena ang kalinisan ng Rock Lagoon.
Eagle News Rizal Bureau Ryan Madriaga, Tantan Alcantara