Bomb-making materials na nakumpiska sa Cotabato posibleng konektado sa Davao blast

DAVAO City (Eagle News) – Nahuli ng Philippine National Police-Cotabato ang isang “Omar Dungguan” sa Maunlad, Barangay Dungguan, M’lang, Cotabato. Ayon kay Police Supt. Emmanuel Peralta, nakumpiska kay Dungguan ang materyales sa paggawa ng bomba ganoon din ang diagram sa pag-gawa ng Improvised Explosive Device (IED).

Napag-alaman na target ng nasabing operasyon ang isang “Anwar Sandigan”, isang bomb-maker ngunit nakatakas umano ang suspek matapos malaman nito ang naging operasyon.

Ayon sa intelligence report ng awtoridad, ang mga improvised explosive device na ginamit sa pagbomba sa Power Transmission Lines sa Carmen, North Cotabato at ang bomba sa Davao City ay galing sa nasabing lugar.

Tinitingnan ngayon ang posibilidad na konektado sa nangyaring pagsabog sa Roxas Night Market sa Davao City ang mga nakumpiskang materyales sa paggawa ng bomba sa M’lang, Cotabato.

Courtesy: Haydee Jipolan – Davao City, Photo courtesy of North Cotabato PNP