Boracay, posibleng matagalan pa bago buksan sa mga turista; fecal coliform sa tubig, mataas – DENR

(Eagle News) — Posibleng matagalan pa bago muling buksan sa mga turista ang Boracay Island.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ito ay kung hindi tutulong ang mga establisyimento sa pag-aayos ng kanilang sewerage at drainage systems.

Ang lebel aniya ng fecal coliform sa mga tubig ng Boracay ay nananatiling mataas sa accepted level para makonsidera na ang tubig sa isla ay ligtas sa tao.

Paliwanag ni Cimatu, ang direktang pagpapakawala ng wastewater sa dagat ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit marumi ang tubig sa isla.

April 26 nang magsimulang isara ang isla para bigyang-daan ang anim na buwang rehabilitasyon.

Pero sabi ni Cimatu na hindi niya papayagan na muling buksan ang Boracay kung nananatiling marumi ang tubig o mataas ang fecal coliform.

Dapat muna aniyang maayos ang problema sa drainage system bago muling buksan ang Boracay.

Dagdag pa ng kalihim, irerekomenda niya sa malakanyang na bubuksan lamang ang Boracay kapag lumabas na sa mga laboratory test na below standard na ang lebel ng fecal coliform.Aily Millo