Brussels attack, kinondena ng Pilipinas

(Eagle News) — Kinondena ng Pilipinas ang Brussels attack kasabay ng pagtiyak na walang mga Pilipinong nadamay sa nasabing terror activity na ikinamatay ng mahigit 30 biktima.

Ayon kay Communications Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., matapos mabalitaan ang terror attacks sa Belgium, agad na iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapatupad ng mas mataas na alerto ng seguridad sa bansa, kasabay na rin ng pagdagsa ng mga magsisiuwi sa mga lalawigan dahil sa mahabang bakasyon.

Communications Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr.

Partikular na tinawagan ng pangulo si Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio “Jun” Abaya, lalo’t ang tinarget ng terror attack sa Brussels ay ang airport at ang railway system.

“Pagkatapos mabalitaan ‘yung naganap sa Brussels ay agad na ipinag-utos ng pangulo kay Secretary [Joseph Emilio] Abaya at sa lahat ng iba pang concerned government agencies ‘yung pagkakaroon ng pinataas o heightened alert para matiyak ang kaligtasan at seguridad lalong-lalo na sa mga transportation terminals: airports, sea ports, bus terminals at maging mga LRT stations,” pahayag ni Coloma.

Dagdag pa ni Coloma, isa sa mga paraang nakikita ng gobyerno ay ang implementasyon ng vehicle inspection sa mga paliparan bukod pa ang ibang security measures na nauna nang ipinaiiral upang matiyak na maaagapan ang anumang banta ng terorismo.

“Pansinin natin, tayo ay nagsasagawa ng vehicle inspection doon pa lamang sa approach o doon sa pasukan na  malapit sa ating mga airports. Tayo rin ‘yung nagsasagawa ng x-ray scanning and inspection of all persons, luggage and hand-carried items doon pa lamang sa bungad o sa pasukan ng ating mga airport terminals. Hindi ito pangkaraniwang ginagawa sa ibang bansa at kahit hindi pa naganap ang pinakahuling terror attack sa Brussels, matagal nang ipinapatupad at pinapairal ‘yung mga security measures na katulad ng ating nabanggit bilang pagpapatatag sa kasiguruhan ng seguridad ng ating mga mamamayan at ng mga naglalakbay sa loob ng ating bansa,” dagdag pa ni Coloma.

Samantala, pinaalalahanan naman ng gobyerno ang mga Pilipino sa Brussels na maging maagap at maingat upang malayo sa anumang panganib. Manatili rin umanong nakikinig sa mga awtoridad at umugnay sa mga embahada at konsulado kung kinakailangan.

Related Post

This website uses cookies.