Budget ng PCOO, masusing susuriin ng mga Senador

Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service

(Eagle News) — Tiniyak na ng ilang senador na kanilang mabubusi ang nais na pagtaas sa budget ng Presidential Communication Operations Office (PCOO).

Kasunod na rin ito ng pagkwestyon ni Senadora Grace Poe sa panukalang pondo ng nasabing ng nasabing tanggapan kaakibat ang pagtapyas sa taunang budget ng ibang kagawaran.

Aabot sa mahigit 1.4 billion pesos ang hinihinging pondo ng PCOO o katumbas ng isang daang milyong pisong increase mula sa kasalukuyang budget nito.

Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, mahigpit ang kanilang pagbusisi sa mga opisyal ng PCOO kung saan-saan at kung papaano nagamit ang nakaraang budget ng tanggapan.

Ito’y lalo’t ilan sa mga tauhan nito ang nasangkot sa kontrobersya — pinakahuli na rito ang malisyosong video sa post ni PCOO Assistant Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar ukol sa pagpapaliwanag sa isyu ng Federalismo.

Panukalang zero-budget para sa PCOO, inalmahan ng ilang senador

Hindi naman sang-ayon ang ilang senador sa panukala ni Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na zero-budget sa PCOO.

Para kay Senate Blue Ribbon Chairman Richard Gordon, mahalaga ang papel na ginagampanan ng PCOO na maiparating ang mensahe ng mga programa ng gobyerno.

Gayunman, magamit sa tama ang pondo na maibibigay sa isang tanggapan at tamang personalidad ang dapat na magpaliwanag sa partikular na usapin.

Ayaw na ring patulan ni Gordon ang patutsada ni Uson sa mga Senador.

Pagpapaliwanag sa isyu ng Federalismo, ‘di dapat gawing biro – sen. Pacquiao

Sa panig ni Senador Manny Pacquiao na kaalyado rin ni Pangulong Rodrigo Duterte, aniya hindi dapat gawing biro ang pagpapaliwanag sa usapin ng Federalismo.

Pero nanindigan si Senador Pacquiao na dapat pa rin bigyan ng pondo ang PCOO sa kabila ng mga naging kontrobersya.

Related Post

This website uses cookies.