(Eagle News) – Hanggang sa susunod na buwan na lamang ang natitirang buffer stock ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa buong bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng NFA na si Director Rex Estoperez, tinatayang nasa 1.5 milyong sako ng bigas ang natitira sa mga warehouse ng NFA sa kasalukuyan.
Pero ang natitirang bigas ay nakalaan na lamang para sa emergency relief operation ng Department of Social Welfare and Development, gaya ng nakaimbak sa warehouse ng NFA sa Visayas Avenue, Quezon City na aabot na lamang sa 2,800 sako na bigas na nakalaan para sa mga pamilya na biktima ng kalamidad.
Ayon sa opisyal, hindi normal na nauubusan ng laman ang nasabing warehouse na kayang magpuno ng 150,000 sako ng bigas.
Ang natitirang bigas sa nasabing warehouse ay hindi na rin umano magtatagal ng isang araw.
Ang problema pa, inaasahan nila na sa Hunyo pa darating ang aangkating 5 milyong sako ng bigas ng pamahalaan para maibsan ang kakulangan ng bigas.
https://www.youtube.com/watch?v=OUvMD2zNsQ4&feature=youtu.be