Bumagsak na wooden footbridge sa Zamboanga City, overpriced – Rep. Benitez

(Eagle News) — Ibinunyag ni House Committee on Housing and Urban Development Chairman Alfredo Benitez na overpriced ang bumagsak na tulay sa Zamboanga City.

Si Benitez ay kasama sa mga opisyal na nagsagawa ng inspeksyon sa Barangay Rio Hondo nang biglang bumagsak ang nilalakaran nilang tulay.

Ayon kay Benitez, nagkakahalaga ng P12 milyon ang nasabing tulay na kahoy na kasama sa pabahay para sa mga Badjao ng National Housing Authority (NHA).

Ang bumagsak na wooden bridge ay agad nakumpuni, isang araw matapos ang insidente.

Aniya, maging ang housing project ng NHA sa nasabing lugar na gawa rin sa materyales na ginamit sa tulay na kahoy ay napakamahal.

Dalawampung libong piso lang umano ang dipirensya ng halaga nito sa kongkretong housing unit ng NHA na nagkakahalaga ng P240,000 bawat isa.

Ang ganitong mga isyu aniya ang magiging sentro ng kanilang gagawing imbestigasyon sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 15 kung saan ay kasama sa mga ipapatawag ay ang mga dating opisyal ng NHA at Department of Public Works and Highways na nag-apruba umano sa disenyo at materyales na ginamit sa house on stilts para sa mga badjao.

Departamento para sa housing project ng gobyerno, isinulong sa kamara

Binigyang-diin naman ng kongresista na panahon na upang magtatag ng isang departamento para sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.

Kinumpirma nito na halos karamihan ng mga housing project ng nha sa buong bansa ay may mga problema tulad sa Yolanda, Eastern Samar, Marawi, Zamboanga at iba pang lugar.

Aniya, marami pa silang mga natatanggap na reklamo at humihiling sa kaniyang opisina na magsagawa rin ng inspeksyon sa mga pabahay ng NHA sa kanilang lugar. Eden Santos

Related Post

This website uses cookies.