Burol ng mga sundalong nasawi sa bakbakan sa Sulu, tinungo ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — Ilang oras bago ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte, inihatid na sa gymnasium ng Western Mindanao Command (Wesmincom) sa Zamboanga City kanina ang labi ng mga sundalong nasawi sa bakbakan ng militar kontra sa bandidong Abu Sayyaf (ASG) sa Patikul, Sulu.

Pagdating ng pangulo, isa-isa nitong nilapitan ang mga kabaong at larawan ng mga sundalo saka sinaluduhan.

Kaugnay nito, binigyan ng cash assistance ang pamilya ng mga napatay na sundalo.

Ayon sa pangulo, bibigyan din ng trabaho sa gobyerno ang mga biyuda ng mga nasawing sundalo at scholarship naman ang mga naiwang anak ng mga ito habang isasama aniya sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga naiwang pamilya ng mga sundalo.

Nanawagan naman kay Pangulong Duterte ang mga kaanak ng mga nasawi na seryosohin anila ang paglipol sa Abu Sayyaf upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang mga kaanak.

 

STATE OF EMERGENCY

Sa kabila naman ng pagkalagas ng mga tauhan ng militar sa bakbakan, walang nakikitang pangangailangan ang pangulo na magdeklara ng state of emergency sa Sulu.

Kaugnay naman nito, limang batalyon na o katumbas ng 2,500 sundalo ang idinagdag ng pamahalaan sa naturang lugar upang tugisin ang ASG.

 

PEACE TALKS

Nakahanda naman si Duterte na harapin si Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari para sa pagsusulong ng usaping pangkapayapaan.

Katunayan, inatasan nito ang Philippine National Police na huwag ipatupad ang warrant of arrest laban kay Misuari.

Nahaharap sa kasong rebelyon si misuari bunsod ng paglulunsad ng Zamboanga siege noong 2013.

Ayon sa pangulo, nais aniya ni Misuari na mag-usap sila sa Kuala Lumpur sa harap ng kinatawan ng Organization of Islamic Cooperation (OIC).

Bukas naman aniya ang pangulo na patuluyin si Misuari sa Malacañang o sa kanyang tinutuluyan sa Bahay Pagbabago kung nanaisin nito.

Related Post

This website uses cookies.