Ni Erwin Temperante
Eagle News Service
Ibinasura ng Court of Appeals ang hiling ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na baliktarin ang unang desisyon ng isang korte na nagsasabing siya ang pumaslang sa Pilipinong si Jeffrey Laude noong October 2014.
Kinatigan ni Associate Justice Marlenez Gonzales-Sison ng 16th Division sa 48 na pahinang desisyong kanyang isinulat ang unang desisyon ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74 na nagsasabing guilty si Pemberton sa kasong homicide.
Sinentensya rin ng korte ng Olongapo si Pemberton sa 10 taong pagkakakulong, at inutusang bayaran nito ang pamilya ni Laude ng mahigit P4 na milyong piso.
Ayon sa CA, hindi katanggap tanggap ang argumento ni Pemberton na lumaban si Laude at sinampal ang marine sa mukha.
Ito ay sapagkat wala aniyang ebidensiya nito mula sa general physical examination na ginawa sa sundalong Amerikano.
Wala rin aniyang matibay na batayan na naunang nanakit si Laude kaya lumaban ang sundalo.
Tinaasan din ng CA ang damages na babayaran ni Pemberton–mula P50,000 na civil damages, ginawa itong P100,000; at mula P75000, ginawa itong P150,000.
Ikinatuwa naman ng abugado ng pamilya Laude ang desisyon ng CA.
“The Court of Appeals’ affirmation of the guilty verdict of Pemberton is a welcome development. The fact that a member of the US Marines was found guilty for breach of our criminal laws for the very first time is an affirmation of Philippine sovereignty,” sabi ni Harry Roque.
Dagdag niya, ikinababahala ng pamilya Laude ang posibilidad na mapalaya si Pemberton nitong Hulyo ng taong ito na may kasamang allowance for good conduct, at ang sinasabing kaniyang pagenrol sa isang distance learning program.
“An incarceration of only three years for the death of a Filipino trivializes the death of our sovereignty,” sabi niya.
Si Pemberton ang ikalawang sundalong Amerikano na nasangkot sa krimen sa bansa.
Matatandaang sinampahan ng kasong rape si Lance Corporal Daniel Smith, at unang nasentensiyahan ito ng 40 taong pagkakakulong ng Makati Regional Trial Court noong 2006.
Siya ay itinurn over sa Embahada ng Estados Unidos habang nakabinbin ang kanyang kaso sa korte.
Ipinawalang sala ng CA si Smith, na bumalik naman sa Estados Unidos pagkatapos.