Canadian national, nag-donate ng mahigit PHP1-milyong halaga ng equipment sa ospital sa Palawan

CORON, Palawan (Eagle News) — Nagkakahalaga ng 1.2 million pesos ang halaga ng hospital equipment na idinonate ng isang Canadian national sa isang ospital sa Palawan kung saan siya ay naging pasyente.

Ayon kay John Abou-Samra, ito ay bilang pasasalamat sa Coron District Hospital dahil sa magandang pagtrato at pag-aasikaso sa kanya ng mga doktor and staff ng naturang ospital noong siya ay maaksidente habang nagbabakasyon sa bayan ng Coron.

Buwan ng Hunyo nang maganap ang insidente.

Nahulog umano si Samra sa Kayangan Lake nang mabiyak ang tinutuntungan nitong tabla, kung kaya’t nagtamo sya ng matinding pananakit ng paa at mga gasgas sa binti.

Dinala sya sa Coron District Hospital at doon ay  inasikaso siya ni Dr. Edgar Flores at ng dalawang nurses.

Dahil dito, ay kinansela na lamang niya ang nauna na niyang plano na world cruise at sa halip ay idinonate  ang gugugulin sana niya para sa 111 days na pagliliwaliw para sa mga equipment—isang ECG machine, automatic voltage regulator (AVR), centrifuge, defibrillator at stethoscope.

Labis naman ang naging pasasalamat ng mga doctor at staff ng ospital, maging ng alkalde ng bayan ng Coron.

 

(Anne Ramos – Eagle News Correspondent)