By Meane Corvera
Eagle News Service
MANILA, Philippines (Eagle News) — Inilabas na sa imbestigasyon ng senado ang kopya ng CCTV footage sa isang casino mall sa Paranaque kung saan nangyari ang umano’y bribery scandal sa dalawang immigration officials kapalit ng pagpapalaya sa mga umano’y undocumented employee ng gambling tycoon na si Jack Lam.
Sa CCTV footage nakita na magkakasabay na pumasok sa casino sina dating immigration commissioner Michael Robles at Al Argosino kasama ang dummy ni Jack Lam na si retired Police Senior Superintendent Wally Sombero Jr.
Nakita rin sa footage ang limang paper bag na naglalaman ng milyon milyong piso.
Pagpasok sa isang restaurant ng casino, isinalansan ang pera, binilang at ibinalik sa paper bag.
Paglabas ng casino, bitbit na ng tatlo katao ang paper bag kung saan kasama rin nila ang kapatid ni Robles.
Inamin nina Argosino at Robles na sila ang nasa CCTV footage.
Pero nasa casino raw sila para makipag-usap kay Sombero sa ginawang pag-aresto sa illegal Chinese workers ni Jack Lam sa Fontana Leisure Park and Casino sa Pampanga.
Sinabi pa ni Robles na nagduda rin siya kung bakit may ibinibigay na malaking halaga ng pera si Sombero kay Argosino.
“Nagdududa na ako bakit ganoon. Bakit ganoon kalaki ang ibinibigay na pera. Sinabi ko sa kanya para saan ang pera na ibibigay sa iyo? Nagdududa na po talaga ako,” ayon pa kay Robles.
Itinanggi rin ng dalawa na nanghingi sila ng pera kay Jack Lam.
Nagulat na lamang raw sila ng may dalhing mga supot ng pera si Sombero.
Sinabi rin ni Robles na hindi rin niya alam o narinig na nanghingi ng pera si Argosino kay Sombero.
Iginiit naman ni Argosino na kinuha niya ang pera bilang ebidensya laban kay Sombero at Jack Lam.
Pero hindi kinagat ng mga senador ang paliwanag ni Robles at Argosino.
Kinastigo rin ni Gordon si Robles dahil tila nagpapauto raw ito sa kaniyang fraternity brother na si Argosino.
“If I were you, I would … tell what truly happened. Nagpapauto ka ba? Dapat magsalita ka na,” payo pa ni Gordon.
Imposible raw na wala silang agenda gayong naghantay sila kay Sombero hanggang madaling araw.
Naging emosyonal naman si Argosino.
Tila raw kasi sila lang ang nadidiin, at pinalilitaw na “guilty” na sila, samantalang sila ang nagsisikap na mag-file ng kaso laban kay Jack Lam.
“Your honor, this is a corruption of public official (case). Sino sa previous administration ang nag-file ng kaso laban kay Jack Lam? Sana naman ho huwag naman yung ganito na pinapakita sa public na guilty na kami,” sabi pa ng umiiyak na si Argosino.
Depensa pa ni Robles, na-frame up lang sila ni dating immigration intelligence chief Charles Calima
Pero si Calima nanindigang matagal nang iniimbestigahan ang dalawa dahil sa kaso ng pangingikil.
Nakatanggap raw siya ng reklamo na bukod sa P50 milyon na nakuha nila, nanghingi pa ng karagdagang P50 million ang dalawa.
Hindi naman nakadalo sa pagdinig si Sombero kaya nagbanta na ang mga senador na ipako-contempt ito kapag hindi sumipot sa susunod na pagdinig
Samantala humingi ng paumanhin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kina Senador Francisco “Kiko” Pangilinan at Leila de Lima
Umalma kasi sina Pangilinan at De Lima matapos silang pangalanan ni Aguirre na umano’y nag-alok ng legislative immunity sa dalawang commissioner kapalit ng pagdidiin sa kanya sa kaso.