(Eagle News) — Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na magbibigay ng proteksyon at pangangalaga sa mga kabataang biktima ng kalamidad at mga sakuna.
Sa isang seremonya sa Malacañang, pinirmahan ni Pangulong Aquino ang Republic Act 10821 na tatawagin din bilang Children’s Emergency Relief and Protection Act.
Sa ilalim ng naturang panukala, ilalatag ang istratehikong programa upang agarang matugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga kabataan, protektahan ang kanilang karapatan at pangasiwaan ang kaukulang rehabilitasyon.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na pinalalakas ng bagong batas ang mandato ng gobyerno na mag-set up ng evacuation centers na may sapat na pasilidad para sa kabataan at mga babaeng kagampan.
Itinatadhana rin ng bagong batas ang child-responsive training para sa emergency responders sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Sa pahayag naman ni Save the Children Country Director Ned Olney, ang mga kabataan aniya ang higit na apektado sa panahon ng pagtama ng kalamidad.
Sa ilalim ng batas, bibigyan umano ng partikular na legal protection ang mga kabataan at tinitiyak nito ang targeted humanitarian intervention at serbisyo ng gobyerno, maging ang pagiging handa ng mga komunidad sa pagharap sa kalamidad.
Inaatasan din ng bagong batas ang Department Of Social Welfare And Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD) na pangunahan ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbuo ng komprehensibong emergency program upang magkaloob ng mga pangunahing serbisyo gaya ng pinahusay na family tracing para sa mga menor de edad na walang kasama; disaggregated data collection para sa pagkakilanlan ng mga kabataan; kasanayan sa child-focused response; mabilis na restoration ng mga nawalang civil documents; at pagtatakda ng limitasyon sa paggamit ng mga eskwelahan bilang evacuation centers.
Hinihikayat naman ng Save the Children ang papasok na Duterte administration upang pabilisin ang pagbuo ng implementing rules and regulations ng bagong batas para maging handa sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Samantala, kasamang sumaksi sa paglagda ng bagong batas sina Senate President Franklin Drilon, House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. at iba pang miyembro ng kongreso at opisyal ng pamahalaan.