Eagle News — Aminado ang China na hindi nito isinasantabi ang posibilidad na magdeklara ng Air Defense Identification Zone o ADIZ sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ito’y makaraang ibaba ng Permanent Court of Arbitration ang desisyon na nagsasabing walang basehan ang pag-angkin ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin na magdedesisyon sila kung magdedeklara ng ADIZ, depende sa mga banta.
Ayon kay Liu, karapatan ng China na magdeklara ng ADIZ kapag may banta na sa seguridad nito.
Kapag may Air Defense Identification Zone na umiiral, kailangan munang magpaalam sa China ng lahat na eroplanong dadaan sa airspace ng South China Sea.