By Juliet Caranguian
(Eagle News) — Muling nagtungo ang dalawang opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) sa tahanan nina Angel Manalo sa no. 36 Tandang Sora Avenue, Quezon City.
Ito ay matapos makatanggap ng tawag ang CHR na umano’y hinaharang ng mga pulis ang pagkaing dinadala rito.
Pero sa pagtungo ng mga opisyal ng CHR sa lugar, sinabi ni CHR investigator na si Policronio Nalangan Jr., wala naman silang nakitang humaharang at sa halip ay nadatnan nila ang isang plastic at karton ng pagkain na iniwan malapit sa gate.
Sa pag uusap sa cellphone nina Nalangan at Joy Yuson, na isa sa mga itiniwalag sa INC, ay hiniling ng CHR investigator na makapasok sila subalit hindi sila pinagbigyan.
Sa halip, humarap sa mga taga-CHR ang natiwalag na si Roel Rosal na nagrereklamo ukol sa umano’y pangha-harass sa kanila.
Hiniling rin nilang alisin ang mga sasakyang nakaparada malapit sa gate dahil paano raw kung gustong lumabas ang ambulansya at kung maysakit na ang ilang nasa loob ng tinitirhan ni Angel Manalo at ng kaniyang mga tagasuporta.
Nagpaliwanag naman ang mga miyembro ng QCPD na hindi nila hinaharangan ang gate at maaari naman nilang alisin doon ang mga sasakyan kung mayroong lalabas. Bukod dito, kapag may lalabas na sasakyan ay mayroon naman anilang ibang gate na maaaring daanan.
Mariin ding itinanggi ng pulisya na hinaharang nila ang mga pagkaing dinadala ng mga tagasuporta ni Angel Manalo.
Ayon kay Police Senior Inspector Jun Fortunato, tinitingnan lamang nila ang mga dinadalang pagkain para na rin sa seguridad, lalo na at nakatakip pa ng mukha ang mga nagdadala ng pagkain.
Binigyang diin din ng opisyal na ang pagvi-vigil na ginagawa ng mga tagasuporta ni Angel Manalo ay hangga’t maaari ay ipinagbabawal lalo na at wala silang permit to rally mula sa Quezon City government. (Eagle News Service)