CHR, nakitaan ng improvement ang balik Oplan Tokhang ng PNP

MANILA, Philippines (Eagle News) — Naging positibo ang pagtanggap ng Commission on Human Rights (CHR) sa muling pagbabalik ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Oplan Tokhang.

Ito’y matapos makitaan ng CHR na mayroong ”improvement” sa pagbaba ng bilang ng kaso ng mga nasasawi mula sa operasyon kung ikukumpara sa unang pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga.

Ayon kay PNP Deputy Spokesperson Superintendent Vimellee Madrid, mula noong Disyembre 5, 2017 hanggang February 8, 2018 ay nasa 53 ang naitalang nasawi sa drug operation.

Matatandaang Disyembre ng nakaraang taon nang ipasa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatuloy ng operasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kabila nito, muling ibinalik sa PNP ng Pangulo ang naturang Oplan Tokhang, kung saan ay may bago nang guidelines upang hindi na maulit ang nakaraang pagkakamali sa operasyon.