BINALONAN, Pangasinan (Eagle News) – Masungit man ang panahon na nagsimula pa nitong mga nagdaang araw ay hindi ito inalintana ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa lokal ng Sumabnit, Distrito ng Pangasinan East maisagawa lamang ang Clean-Up Drive bilang bahagi ng pagdiriwang sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang lokal.
Kahit na umuulan, nagkaisa pa rin ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa nasabing lugar upang linisin ang Sitio Riverview, Barangay Sumabnit, Binalonan, Pangasinan.
Pangunahing nilinis nila ay ang kalsada at kanal upang magtuloy-tuloy ang agos ng tubig at upang hindi pamugaran ng lamok at makaiwas ang mga residente sa anumang uri ng sakit na dala ng nasabing insekto. Pinagtulungan din nilang putulin ang mga sanga ng puno na nakaharang sa daan upang maiwasan ang anumang disgrasya sa daan.
Nagpapasalamat naman ang mga residente ng nasabing barangay sa ginawang Clean-up Drive ng INC sa kanilang lugar dahil naging maaliwalas at malinis na ang kanilang kapaligiran.
Courtesy: Raff Marquez – Binalonan, Pangasinan Correspondent