(Eagle News) — Tapos na ang clearing operation ng Department of Public Works And Highways (DPWH) sa Maharlika Highway sa southern Luzon matapos maapektuhan ng bagyong “Maring.”
Ayon kay Celestial Flancia, hepe ng DPWH-Quezon Fourth Engineering District, naalis na nila ang mga natumbang puno, nahawi na ang landslides at natanggal na ang putik na dala ng baha.
Nagtulong-tulong aniya ang kanilang maintenance crew, mga pulis, sundalo at mga sibilyan sa pagsasagawa ng clearing operation sa bahahgi ng Maharlika Highway mula Quezon Province hanggang Bicol Region.
Una rito, binaha ang ilang parte ng Maharlika Highway sa Pagbilao, Atimonan, Gumaca at Lopez sa Quezon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Maring.”
Ilang landslide din ang naganap sa Calauag, Gumaca-Pitogo road at bayan ng Quezon sa Alabat Island.